PopNovel

Reading Books on PopNovel APP

FETISH

FETISH

Author:Iza Denise

Updating

Introduction
"The human mind is scarier than any uncanny creatures." Halos lahat ng mga taong nakausap ni Kassie ay nagtataka at nagtatanong kung bakit ito ang pinili niyang propesyon. Hindi rin naman niya alam kung bakit, ngunit dito siya dinala ng tadhana -- maging isang coroner na nagtratrabaho sa morgue. Hindi naman siya mareklamo at sanay naman siya sa amoy ng formalin at bangkay. Ika nga, sa ganitong klaseng trabaho dapat ay matibay ang sikmura. Maayos naman ang kaniyang buhay at malapit na rin siyang ikasal sa kaniyang fiance. Ngunit may gagambala sa kaniyang tahimik na buhay nang may nangyaring nakawan sa loob ng kanilang morgue. (Warning: Some parts of the book is not suitable for very young readers)
Show All▼
Chapter

2017, August 19.

"Gina, pumunta ka na rito."

Napalingon si Gina kay Albert nang marinig ang mahinang tawag nito.

"Oo, teka lang naman," asik niya sa kaibigan at maingat na gumapang sa damuhan. Madilim ang paligid at hindi rin maaninag ni Gina ang mga nasasanggi niya sa lupa. Nananalangin siya na sana'y wala siyang matabing na tae ng pusa.

Sa totoo lamang hindi rin siya sigurado sa ginagawa nilang magkakaibigan. Pinlano nila ito dahil kailangan nila ng pera. Alam niya na masama ang magnakaw ngunit kailangan niyang kumapit sa patalim ngayon.

"Kaya lang naman ako pumayag dito dahil may sakit ang nanay ko. Kung 'di ko lang kailangan ng pera, hindi ko gagawin ito," naibulong ni Gina habang maingat na gumagapang. Pero sa kasamaang palad, may natabing nga siyang tae ng pusa sa gilid.

"Nako naman, yak!" nandidiring sabi niya na pinunas ang gilid ng kamay sa talahib.

"Bilisan mo naman," tawag ni Ethan sa babae. Sina Albert at Ethan ay naroon na sa likuran ng malalaking halaman. Malapit na sila roon sa gilid ng bahay kung saan may nakasarang bintana. Ilang saglit pa ay nakalapit na rin si Gina sa dalawang kaibigan.

Magkaka-edad silang tatlo. Labing-limang taong gulang pa lamang sila at pare-parehong nag-aaral sa public highschool sa Batasan Hills. Pare-pareho rin silang lumaki sa slum area at dumayo pa talaga sila rito sa Commonwealth para lang magnakaw. Noong isang araw kasi ay naglaboy sila at nadaanan nila ang malaki at magandang bahay na ito na pagmamay-ari ng isang mayamang lalaki.

Ayon kay Albert, doktor daw ang may-ari ng bahay at nagbakasyon daw ang may-ari sa Cebu kaya walang tao roon ngayon. Pagkakataon na raw nila ito. Kaya heto sila ngayon, may nakatakip na black thong o underwear sa mukha habang may nakataklob na hood sa ulo. Mukha silang mga t*nga.

Napabuntong-hininga si Gina nang makalapit siya sa dalawang lalaki.

"Mga babae talaga ang bagal kumilos," panlalait pa ni Ethan.

"Ikaw kaya ang makasanggi ng tae?" naiinis naman na sagot niya na kinuyom ang palad sa tapat ng mukha nito.

"Lumayo ka nga. Ang baho mo," nandidiri namang layo ng binatilyo.

"Shhhh! Huwag na kayong maingay. Baka may kapit-bahay na makarinig sa atin dito," sita ni Albert sa kanila na inilagay ang hintuturo sa tapat ng labi.

Saka lang nila napagtanto na maingay nga silang dalawa. Luminga-linga sila sa paligid. Sinusuri lang nila kung may kapit-bahay ba na nakarinig o may tao na nakapansin sa kanila. Wala namang tao sa paligid. Mukhang tulog na rin ang mga kapit-bahay.

Nang masigurado na wala ngang makakakita ay gumapang na muli silang tatlo at lumapit sa bintana. Sumilip sila roon at nakitang napakadilim sa loob.

"Paano natin mabubuksan 'yan?" tanong ni Gina kay Albert sa mahinang tinig.

"Makakalikha tayo ng ingay kung sisirain natin ang bintana. Doon tayo sa likuran na pinto. Wala rin cctv doon sa likod," paliwanag nito habang inaayos ang itim na guwantes sa kamay.

Nakapasok na si Albert sa loob ng bahay dahil part-time deliverer siya ng mineral water. Sa kanila umoorder ng tubig ang may-ari ng bahay.

Kumunot ang noo ni Ethan. Nakita niya na may stone wall patungo sa likuran. Nakita niya na may stone wall patungo sa likuran

"Sa backyard tayo. Aakyatin natin iyang pader," pabulong na sabi ni Albert na tinuro pa ang pader.

Nakaramdam ng inis si Gina nang narinig niya ang plano nila. Hindi man lang naisip ng mga kaibigan niya na babae siya at mahihirapan siyang talunin iyon. Ano kaya kung magpaiwan na lang siya rito?

"Mahihirapan akong akyatin iyan. Kayo na lang dalawa ang umakyat. Kapag nabuksan n'yo na ang pinto sa likod, pumasok kayo sa loob at buksan ang bintana riyan para makapasok ako," suhestyon niya na halatang iritado.

"O sige na. Bantayan mo rito ha? Tawagan mo kami o magchat ka kapag may dumating. Kunin mo ito," inabot ni Ethan ang phone at earphone kay Gina.

Sinuot naman ni Albert sa tainga ang dalang wireless earbuds. Nakakonekta ang Bluetooth ng earbuds sa Bluetooth ng phone niya na nasa bulsa. Naka-auto-answer call din ang phone niya para kapag tumawag si Gina ay 'di na niya kailangan na kunin iyon.

Nakahanda na sila. Nagpaalam na sila kay Gina. Tumango lang ang dalaga at sinabihan sila na mag-ingat. Gumapang na ang mga lalaki patungo sa pader.

Tumingin muna sila sa paligid at siniguro na walang tao. Tumayo na si Albert at siya ang nauna na sumampa sa stone wall. Mabilis lang na nakasampid ang binatilyo at nakatalon sa kabilang bahagi.

Si Ethan naman ang sumunod. Ginaya niya ang ginawa ni Albert. Kumapit siya sa mga umbok na bato at madali ring nakatalon sa kabila. Nang nasa backyard na siya ay sinenyasan siya ni Albert na tumuloy sa likurang pinto ng bahay.

Dahan-dahan lamang ang lakad nila. Iniwasan nilang makalikha ng ingay.

"Standard lock lang ito mabilis mabuksan. Akin na ang plier," inilahad ni Albert ang kanang kamay kay Ethan. Kinuha naman ni Ethan ang plier sa likurang bulsa at inabot iyon kay Albert.

Ginamit ng binatilyo ang plier para matanggal ang lock ng pinto. Nakalikha iyon ng kaunting ingay kaya bahagya silang natigilan. Nakiramdam muna sila sa paligid kung may nagising ba, may nakarinig o baka may asong nakakita. Pero wala naman.

Salamat at wala ring aso sa bahay na iyon. Walang tatahol at mangangagat sa kanila. Tinulak na ni Albert ang pinto at sumilip muna siya sa loob. Nang makasiguradong wala ngang tao ay dahan-dahan siyang pumasok. Sumunod sa kaniya si Ethan na nagbukas ng flashlight.

Isinara muli nila ang pinto at naglakad sila patungo sa sala.

"May cctv ba rito?" bulong ni Ethan habang nakasunod siya kay Albert.

"Mayroon pero hindi naman tayo makikilala niyan eh. Nakatakip naman mga mukha natin eh," sagot lamang nito na dire-diretso sa sala. Binuksan nito ang bintana.

Sa labas ay nakita ni Gina na nakabukas na rin ang bintana. Tumayo siya, sumampa roon at sa wakas ay nakapasok na rin siya sa loob.

"Yuko agad Gina," bilin ni Albert dahil nag-aalala siya na may kapit-bahay na makakita sa kanila. Nakayuko rin ang mga binatilyo at pasilip-silip sa labas.

Umupo si Gina at bumaling sa dalawang lalaki, "Nandito na tayo sa loob. Ano na? Saan tayo?"

"Second floor malamang," sagot ni Albert na naglakad na patungo sa hagdan. "Dalian niyo."

Sumunod sina Gina at Ethan sa kaniya. Pero natigilan ang tatlong kabataan nang may makita sila sa itaas na baitang ng hagdan. Doon ay may isang lalaki na nakatayo, may hawak na rifle at natatakpan ng kadiliman ang mukha.

Tumalon ang mga puso nila at pare-parehong nanigas sa kinatatayuan. Ilang saglit na nakanganga sila roon sa ibaba ng hagdan at namimilog ang mga mata. May tao sa loob ng bahay at nahuli sila!

Kinasa ng misteryosong lalaki ang baril nito at binaril silang tatlo.

"Sh*t!" napamura si Albert at natamaan ng bala. Napaupo siya sa sahig at napasapo sa balikat na nagdudugo.

"Ah!" napatili si Gina samantalang mabilis ang kilos ni Ethan na hinila ang dalagita. Tumakbo silang dalawa pabalik sa sala.

"Si Albert!" sabi ni Gina na huminto at lumingon sa kaibigan. Pero hindi niya inaasahan ang makikita. Ang misteryosong lalaki ay bumaba ng hagdan. Lumapit ito kay Albert at tinutukan ng baril sa ulo ang binatilyo.

"Bang!" Walang pakundangan na binaril nito si Albert.

Napasinghap si Gina nang makitang humandusay na lamang ang binatilyo sa lapag. Umaagos ang dugo nito sa ulo habang nakadilat ang mga mata. "Diyos ko!" napasapo siya sa bibig kasabay ng pamumutla. Rinig na rinig niya ang mabilis na tibok ng puso.

Tumingin sa gawi nila ang lalaki.

"Sh*t! Takbo na!" Hinila ni Ethan si Gina. Saka lamang nagising ang diwa ng dalaga sa katotohanan na nanganganib ang buhay nila.

Bumalik sila sa sala at akmang lalabas sa bintana pero binaril muli sila ng lalaki at natamaan nito si Ethan sa likod.

"Ah!" Nasaktan si Ethan, nahulog siya sa bintana at lumagapak sa sahig ng sala. Bumaba si Gina sa bintana at nilapitan ang kaibigan.

"Tayo Ethan! Tumayo ka! Tumayo ka bilis!" pagsusumigaw ni Gina na hinila ang braso nito ngunit hindi pa rin kumikilos ang binatilyo.

"Bang!" Isa na namang putok ng baril at nanguliglig ang tainga ni Gina. Napapikit at napatakip siya sa dalawang tainga.

Pagmulat ng mata niya, nakita niya si Ethan na nakapikit, nakahiga sa sahig at may umaagos na dugo mula sa gilid ng ulo. "Ah!" tili niya nang mapagtanto na patay na rin si Ethan. Nakarinig siya ng kasa ng baril at lumingon siya sa lalaki. Sa kaniya naman tinutok ang baril.

"Hindi!" sigaw niya na mabilis na tumayo at tumakbo patungo sa kusina. Nagpaputok muli ng baril ang misteryosong lalaki pero hindi natamaan ang dalagita.

"A-Albert... E-Ethan..." Naramdaman ni Gina ang pag-init ng pisngi at mga mata. Nangingilid ang luha niya sa takot, kaba, at pamimighati na namatay ang dalawa niyang kasama.

Hindi siya tumigil sa pagtakbo. Nakalusot siya sa bintana ng kusina at nakapadpad sa backyard garden. Nagtago siya sa likod ng mga halaman na may namumukadkad na mga bulaklak. Naramdaman niya ang pangangatog ng tuhod. Hinawakan niya iyon at pinakalma ang sarili ngunit patuloy pa rin ang pagdaloy ng luha at uhog niya.

Tinakpan niya ang bibig at pinigil ang mapahikbi. "Wala na si Ethan at Albert. Hindi ito ang ginusto kong mangyari! Hindi dapat ganito ang nangyayari. Akala ko ba walang tao sa loob ng bahay? Bakit mayroong tao roon? Nagsisisi ako. Tulong. Tulungan niyo ko," magulo ang isipan ni Gina. Hindi na niya alam kung anong gagawin.

Namilog ang mata niya nang makarinig siya ng kaluskos. Napagtanto niya na nakapadpad na rin ang lalaki sa garden at hinahanap siya. Napunta ang atensyon niya sa maliit na garden house. Malapit lang ito roon. Kailangan lang niyang gumapang nang walang ingay para makapunta roon.

Dumapa siya at dahan-dahan na gumapang patungo sa garden house ngunit hindi sinasadyang natabing niya ang isang halaman. Natumba ang paso ng halaman at nakalikha ng ingay.

Napasinghap ang misteryosong lalaki na hindi pa rin nakikita ang mukha dahil sa dilim. Lumingon ito sa natumbang paso at nakita si Gina na nakadapa katabi niyon.

Namilog ang mata ni Gina at huminto ang tibok ng puso niya. Mabilis siyang tumayo at tumakbo papasok sa loob ng garden house. Binaril siya ng lalaki ngunit swerte na hindi siya natamaan.

Nagtagumpay siya na makapasok sa loob ng garden house. Sa loob niyon makikita ang napakaraming gardening tools katulad ng mga pala, mga paso, mga sako ng patabaing lupa, buhangin, hanging vase, flower pot, kalaykay, aserol at iba pa. Kahoy rin ang dingding nito at bumbilya lamang ang ilaw.

Narinig niya na may naglalakad sa labas. Lumapit muli siya sa pinto at inilock iyon. "Ah!" napasigaw muli siya sa gulat. Pinupukpok ng lalaki ang pinto.

"Labas diyan! Labas!" utos nito sa nakakatakot at galit na tinig.

"S-Sorry na po," nauutal at garalgal na tinig niya. Nagsimula na naman siyang umiyak. "S-Sorry na. Ipakulong n'yo na lang po ako," napahikbi siya, "Huwag n'yo akong patayin. P-Pakiusap po... H-Huwag niyo kong patayin.. Huwag n'yo kong papatayin.. M-Maawa kayo..." iyak ni Gina na parang bata.

Ayaw pa niyang mamatay. Pumayag lang naman siya sa planong pagnanakaw para sa nanay niyang may sakit. Wala silang pambayad sa hospital at ito ang naisip niyang paraan.

"Labas sabi e!" Pero walang pakialam ang misteryosong lalaki sa pagmamakaawa ng babae. Sa halip, binaril nito ang pinto.

"Ah!" tili ni Gina nang makitang nabutas ng baril ang kahoy na pinto. Walang pakialam ang lalaki na ito sa paghingi niya ng tawad. Siguradong papatayin siya nito.

Kailangan niyang makahanap ng sandata. Kailangan niyang lumaban at ipagtanggol ang sarili. Mabilis siyang kumilos at naglakad patungo sa dingding. Kukunin niya ang pala na naroon. Sa oras na mabuksan ng lalaki ang pinto, pupukpukin niya ito sa ulo.

Pero napatili muli siya nang napatid siya ng kung anong bagay. Nasubsob siya sa sahig at naramdaman niya na nagkagasgas ang siko.

"Ah," napaungol siya na hinawakan ang siko niyang namumula. Tumingin siya sa bagay na nasa sahig. Ano ba iyong pumatid sa kanya? Isang trap door? May trap door doon? Ano ba iyong pumatid sa kanya? Isang trap door? May trap door doon?

Wala nang oras para mag-isip. Tumayo na siya at mabilis niyang kinuha ang pala sa dingding at binuksan ang trap door. Nagulat pa siya nang makitang may hagdan patungo sa basement. Lumingon siya sa pinto. Malapit nang mabuksan ng lalaki iyon at lumuluwang na rin ang lock ng doorknob. No choice. Kailangan niyang sumugal. Pumasok na siya sa loob at isinara muli ang trap door.

Kinuha ni Gina ang phone sa bulsa, binuksan ang flashlight at inilawan ang paligid. Kailangan niya ng ilaw kundi ay baka mahulog pa siya sa hagdan. Tinanggal na rin niya ang nakatakip na black thong sa mukha. Naiinitan na kasi siya at tagaktak na ang pawis niya.

May itsura din naman itong si Gina. Malalantik ang kaniyang mga pilik-mata. Mapupula ang maninipis na mga labi. Morena pero makinis ang kaniyang kutis. Mas maganda siya kung marunong lang siyang mag-ayos. Gulo-gulo rin ang mahaba niyang buhok.

Nakababa na siya sa basement at sobrang dilim din doon. Tanging ang flashlight mula sa phone ang nagbibigay liwanag sa kaniya. Naririnig niya ang mabilis na kabog ng kaniyang dibdib. Kinakabahan siya dahil mas mukhang nakakatakot ang madilim na basement kaysa sa lalaking nasa taas. Ah hindi, mas ligtas siya rito. Makakapagtago pa siya rito. Sa taas ay may isang lalaki na gusto siyang patayin. Dito sa basement ay may pagkakataon pa siyang mabuhay.

"Tumawag kaya ako ng 911? O ng pulis? Paano ko naman gagawin iyon? Isusuplong ko ang sarili ko? Bakit ba kasi ako pumayag na magnakaw? Ito ang napapala ko," magulong isipan ni Gina. "Pero mas mabuti nang makulong kaysa mapatay."

Nakapagdesisyon na siya. Tatawag siya ng pulis. Tinignan niya ang phone at napasimangot nang makitang walang signal sa basement. "Wala palang signal. Wala ring silbi," nanghihinayang niyang sabi sa sarili.

Nagulat si Gina nang may marinig na kalabog. "Ha!" singhap niya at inilawan kung sinuman iyon. Natamaan ng ilaw ang isang malaking daga. Katabi ng daga ang ilang stainless tweezer at surgical forceps na nahulog kanina at naglikha ng ingay.

"Oh no..." nasambit ni Gina nang makita kung gaano kalaki at kataba ang daga na iyon. Narinig niya ang mga huni ng daga. Ibig sabihin hindi lang iisang daga ang naroon kundi marami sila.

Ngunit nangunot ang noo niya nang may isa pang daga ang tumalon sa sahig. May nginangat-ngat itong isang bagay. "Ano iyon?" nagtatakang tanong niya dahil mukhang karne ang kinakain ng daga. Lumapit siya at tinutukan ng ilaw ang daga na iyon.

"Ha!" napasinghap si Gina at napasapo sa bibig. Namilog ang mga mata niya nang makita kung ano iyon. Putol na daliri ng tao!

"Oh my God!" Napaurong siya dahil sa takot at pagkagimbal. Hindi sinasadya na may natabing siyang bagay sa likod. Lumingon siya at inilawan iyon.

"Ah!" ganoon na lang ang tili ni Gina nang makita kung ano ang nasa likod niya. Isang bangkay!

Nanigas ang katawan niya at hindi siya makaalis sa kinatatayuan. Naramdaman niya ang pagtaas ng balahibo sa katawan. Isang bangkay ng magandang babae ang nakahiga sa trolley bed. Ang masaklap pa, walang nakatakip na kumot dito at nakahubad pa. Kita rin ang stitches sa katawan nito na sa tingin niya ay mula sa embalsamo.

Nanginginig ang mga kamay niya na inikot ang ilaw sa paligid. Natuklasan niya na hindi lang iisa ang babae, kundi marami sila. May isang bangkay rin doon na mukhang matagal na at naaagnas na ang balat.

Pero bakit wala siyang naaamoy na mabaho o masangsang? Sa tingin niya ay may nilagay na chemical sa mga katawan nila para hindi sila mangamoy.

"Oh my God! Oh my God!" patuloy na pagsambit niya na hinihingal sa takot. Gimbal na gimbal siya sa nakikita. Anong klaseng lugar ito? Bakit may mga bangkay rito?

Inipon ni Gina ang natitirang lakas at muli siyang umakyat sa hagdan. Hindi niya kayang manatili sa basement. Pero napahinto siya nang mabuksan ang trap door at tinutukan siya ng baril ng misteryosong lalaki.

"Ah!" Isang tili ang maririnig na nag-echo sa dingding ng garden house.