SYD
NAGAGANAP ngayon ang championship game ng Inter-Barangay Women’s Basketball Summer League sa aming lugar. Halos hindi mahulugang karayom ang loob at labas ng covered court dahil sa sobrang dami ng mga taong nanonood.
Kaniya-kaniyang pusta. Kaniya-kaniyang sinusuportahang kuponan. At siyempre, hindi mawawala ang mga diehard na fans. Halos mapatiran na nga ang mga ito ng litid sa leeg, basta mai-cheer lang nila ang mga manlalarong hinahangaan.
“Tumira ng tres... pasok! NUMBER 14, three points!”
Kasunod na ay ang mga nakakabinging hiyawan mula sa mga taong nanonood. Sinabayan pa nang napakalakas na pagdagundong ng tambol na sinadya pa talagang dalhin sa loob ng court ng mga sira-ulo kong katropa.
Well, ako lang naman kasi ang nag-iisang nagmamay-ari ng numero katorse na tinutukoy ng Emcee.
Feeling ko tuloy, muling nabuhay ang bawat himaymay ng aking kalamnan dahil sa naging mainit na muling pagtanggap sa akin ng mga kabaranggay ko. Sobrang na-miss ko talaga ang pakiramdam nang kakaibang adrenaline rush na ito.
Halos limang taon din kasi akong namalagi sa probinsya ng Ilocos Sur, simula noong kupkupin ako ng bunsong kapatid na babae ni papa. Sa loob ng mga panahon na iyon ay nagtrabaho ako sa grocery store ni Tita Allyson. Nakapangasawa ng foreigner si tita. Kaya ayon, nakaluwag-luwag siya sa buhay.
Minsan bagger ako roon o kaya naman ay tagasalansan ng mga bagong deliver na produkto. Pero madalas, sa kaha ako itinotoka ni tita.
Na-stroke kasi dati si papa. Mga nasa dies y siete años na ako noong mga panahon na iyon at kasalukuyang naka-enroll bilang second year college student sa Unibersidad ng Saint Clare.
Parehas kaming dalawa ng kababata kong si Maggi ng kinuhang kurso, BS in Secondary Education, Major in History. Magkaklase pa nga kami noon, eh. Iyon nga lang hindi ko na nagawa pang makapagpatuloy dahil nga sa nangyari.
Ako na ang nagkusang huminto sa pag-aaral. Mas kailangan kong kumita ng pera upang matulungan ko ang aking pamilya sa pang araw-araw na gastusin. Tutol man si mama sa naging desisyon ko noon ngunit wala na rin siyang nagawa. Hindi man siya magsalita, alam ko at nararamdaman ko na nahihirapan na siya sa kakaisip kung paano niya kami bubuhayin na mga anak niya.
Pang-apat ako sa magkakapatid at mayroon pang apat na mas nakababata ang sumunod sa akin. In short, walo kaming lahat. At sa walong iyon ay ako lang ang nag-iisang lumabas na babae, na nagpakatomboy pa.
“Wow! Ang galing talaga ng babyloves ko! I love you, my Baby Syd! Galingan mo pa ang pag-shoot!” Namumukod tanging matinis at malakas na sigaw na rumehistro sa aking tainga. Grabe iyon, ha! Dinaig pa ang megaphone sa lakas ng bunganga.
Otomatikong lumaki ang butas ng ilong ko nang mahagip ng mga mata ko kung kanino nagmula ang nakaririnding boses na iyon. Sinasabi ko na nga ba at si Ate Sol iyon. Siya ang makulit na kasambahay ng mga Balbuena.
Napailing na lang ako ng de oras. Mabilis kong iniiwas ang walang kaamor-amor na pagkakatingin ko sa kaniya at itinuon ang paningin sa malaking digital timer na patuloy pa rin sa pagbabawas sa mga natitirang minuto ng laro.
Kasama rin si Maggi sa mga nanonood sa amin ngayon. Hindi rin nagpapahuli ang kulasa sa kakatili sa may gilid, kasama ang ilan pa naming mga kaibigan na kapit-bahay lang din naman namin.
Nagkatinginan pa nga kaming dalawa sabay kaway ng kaniyang mga kamay sa akin. Bilang tugon, tinanguan at nginitian ko siya ngunit wala naman talaga sa kaniya ang atensyon ko.
Sinipat ko ang mga nasa tabi ni Maggi. Nagbabakasakali na masilayan ang taong tunay na dahilan kung bakit ko kina-career ang pagpapasikat dito. Ngunit bigo akong makita siya. Bigla tuloy akong nawalan ng gana.
Habang tumatakbo ay nagagawa ko pa ring hagurin ng tingin ang bawat tao na madaanan ko. Nagbabakasakali na baka natabunan lamang siya ng ibang mga nanonood.
Nasaan ka na ba kasi? protesta ng utak ko.
“CINDERELLA, salo!” sigaw sa akin ni Lhian na siyang ikinagulat ko. Masasalo ko na sana ang bola, ngunit huli na. Hindi ko na nagawang mahawakan pa ito dahil mabilis na itong naagaw ng isa sa mga kalaban namin.
“Buwisit!” himutok ko.
Hindi nakalusot sa akin ang pagkunot ng noo ni Lhian. Iiling-iling na lang nitong sinundan nang takbo ang tomboy na nakaagaw ng bola.
“Focus, tsong! Focus! Lumilipad na naman iyang utak mo, eh!” inis na singhal sa akin ng isa pa naming kakampi na si Penpen. Aba at inismiran pa ako ng loka! Hindi ko na lang pinansin ang topakin na iyon at sumunod na lang din ako sa kanila sa pagtakbo.
“Ang galing mo talaga, crush! Wala ka pa ring kupas! Welcome back sa Barangay Maharlika!”
“Ipanalo mo na ‘yan, idol!”
“I love you, my love! You’re the best!" Ilan lamang sa mga pahapyaw na sigaw ng mga lalaking nalalampasan ko.
Napaismid ako. Alam ko naman kasi na para sa akin ang ginagawa nilang pagpapapansin na iyon.
*
WALA kaming humpay sa pagkukulitan at pag-aasaran ng mga ka-teammates ko habang masayang tinatahak ang daan papunta sa amin.
Sa bahay na rin namin nagpahanda nang kaunting salo-salo para sa team ng Maharlika si Kapitan Ely, bilang pa-congratulate niya sa pagkakapanalo namin sa liga para sa taon na ito. Bukod pa roon, sa amin din kasi talaga ang tambayan ng mga katropa kong tomboy sa tuwing natatapos ang laro namin sa court.
“Sabi ko naman sa inyo na magtiwala lang kayo sa MVP niyo! Oh, ‘di ba? Ang galing ko? Kung hindi dahil sa pamatay kong tira, hindi sana tayo ang magcha-champion ngayon!” nagmamalaking saad ko habang hawak-hawak ang natanggap kong tropeo sa pagkakapanalo bilang Most Valuable Player ng liga.
“Sus! Yabang nito!” pambabara sa akin ni Penpen. “Ang sabihin mo, mabuti at sumablay iyong last free-throw ng number 23 kanina. Kung hindi, malamang na sa kangkungan tayo pupulutin ngayon!” natatawang tugon niya habang pinupunasan ang namumutaktak na pawis sa kaniyang ulo. Senegundahan naman nang katakot-takot na kantiyaw ng iba pa naming katropa ang pang-aasar na ginawa sa akin ng impaktang tibo na iyon.
Natahimik ako. Tinaasan ko na lang sila ng isang kilay sabay tulis ng aking nguso. Hindi ko na lang pinatulan ang toyo ni Penpen. Kahit kailan naman kasi ay talagang basag trip ang kulasa na iyon, eh!
Pero sa totoo lang, balewala naman talaga sa akin ang lahat ng mga pang-aasar na sinasabi nila. Alam ko naman kasi na biruan lang sa amin ang lahat. Simula nang napagpasyahan kong magpakatomboy ay nasanay na ako sa mga kalokohang lumalabas sa bunganga ng mga kababata kong ito.
Sumabay na rin sa amin sa paglalakad sina Maggi at si Ate Sol dahil iisang kalsada lang din naman ang dadaanan namin pauwi.
“Kumusta na ang baby mo, Maggi?” Pang-uusisa ko sa kaniya. “Mabuti at pinayagan ka pa ng Ku– este... ng mommy mo na lumabas kahit gabi na. Sino ang nagbabantay ngayon kay Heaven? Si Tita Lillian, kumusta?” magkakasunod na tanong ko.
Napangiting bigla si Maggi at tinapunan ako ng isang nang-aasar na tingin. Nahulaan ko na ang ibig sabihin ng mga tingin niyang iyon kaya pinamulahanan tuloy ako ng mukha.
“Okay naman si mommy, Cin–“
“Syd, Maggi... Syd.” Mabilis na pagtatama ko sa sana ay itatawag niya sa akin.
Napakagat naman siya sa kaniyang pang-ibabang labi bago muling nagsalita. “O-okay... Syd!” Mariin niyang bigkas.
“So, ayon na nga, okay naman si mommy. Kahit papaano ay unti-unti na rin siyang nakaka-recover sa pagkawala ni daddy. Hmm... gano'n din naman si baby. Ayon at si Callex na muna ang nagbabantay sa bulinggit,” sagot niya.
Tumango-tango ako. “Mabuti naman kung ganoon,” mahinang sagot ko.
“Teka... mukhang may nakalimutan ka pa yatang itanong, ah?” Panunuksong turan ni Maggi sa akin.
Inirapan ko siya ngunit hindi ko mapigilan ang pagsilay ng ngiti sa aking mga labi.
“Uy! Nagba-blush siya!” pang-aasar niya ulit.
Grabe! Nag-init bigla ang magkabilang pisngi ko. Ganoon ba talaga ako kahalata pagdating sa kaniya?
“Sira!” kunwari ay singhal ko na lang kay Maggi para lumabas na hindi ako guilty sa sinasabi niya. “Ah, basta! Ipakilala mo ako sa bago mong boyfriend, ha?” panlilihis ko sa usapan. “Para makilatis natin kung talagang matino ba o baka kasing baliw lang din ng ex mo.”
Napatawa tuloy si Maggi sa sinabi ko.
“Hay, naku! My baby Syd, mabait talaga si Sir Callex, promise!” sabat ni Ate Sol. Napakislot ako nang bigla na lamang itong lumingkis sa isang braso ko.
“A-ano ba, ate... kailangan pa po ba talagang gumanyan?” asiwang saad ko sa kinikilig pa ngayong babae.
Kung hindi lang masamang pumatol sa mas nakatatanda, malamang na kanina ko pa ito pinatalsik.
“Ito talaga si Ate Sol. Simpleng tsansing din, eh!” natatawang panggagatong ni Maggi.
Hinawakan na rin niya ang isang braso ni Ate Sol upang maihiwalay ito sa akin. “Oh, siya, Syd, mauna na kami sa inyo,” pagpapaalam ni Maggi nang makarating na kami sa kanto ng Street nila. “Don’t worry. Next time, ipapakilala na kita sa Honey Ko, okay? Congratulations ulit sa inyo!” huling saad niya bago sila tuluyang nagpaalam.
“Syd, sandali!” Napalingon ako sa gawi ng lalaking biglang tumawag sa pangalan ko, si Nikki. Tumatakbo na ito palapit sa amin.
Ilang beses ang ginawa kong pagtango ng ulo sabay fists bump, pagkalapit niya sa kinapupuwestuhan ko. “Tsong, kumusta? Ano ang sa atin?” pabungad ko sa kaniya.
“Napanood ko pala iyong laro niyo,” hinihingal niyang saad nang hindi natatanggal ang pagkakangiti sa kaniyang mga labi.
“Ah, ganoon ba? Salamat, ha,” nahihiyang sagot ko.
“Oo, grabe! Ang galing mo talaga, Syd! Lalo na iyong pagdribol mo... nakakabuhay.”
Mabilis na nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa nakakalokong banat ng sira-ulong ito. “Ano ang sabi mo?” pikon na tanong ko sa kaniya. Napansin din niya siguro ang pag-iiba ng timpla ko kaya agad din niyang binawi ang kalokohang sinabi niya.
“Este– i-ibang klase. Oo, oo! Ibang klase! Tama! Ibang klase nga!” utal-utal na sagot ni Nikki.
“Ahh... okay, akala ko kung ano na, eh. Oh? Bakit mo nga pala ako hinahabol, ha? May kailangan ka ba?” may pagtataray na tanong ko sa nagkakamot-ulo na si Nikki.
“Ahm... puwede ba magpa-picture? Ipo-post ko lang sana sa social media account ko,” nahihiyang tugon niya.
“Noreen, paki-picturan naman kami ng crush ko, oh!” sabay abot ng cellphone niya sa isang kasama ko.
“Uy! Grabe siya! Kay Syd ka lang talaga magpapapicture? Aba! Paano naman kami? Kasali rin naman kami sa mga nagpanalo sa Team Maharlika, ah!” panlolokong hirit ni Noreen habang may pang-aasar na tinignan si Nikki.
“Oo nga, Nikki! Hindi naman puwedeng si Syd lang!” makulit na singit ni Lhian. Nagsunuran na rin sa kaniya ang iba pa naming kagrupo at kaniya-kaniya na ang ginawang pagpo-posing ng mga ito. Wala nang nagawa pa si Nikki nang matabunan na siya sa puwesto ng mga lesbiyanang ito.
“Ang lagay ba niyan, eh, si Syd na lang ang palaging bida? Siyempre dapat kami rin. Kaya sige na, Noreen, picturan mo na kami!
*
ILANG lote na lang ang pagitan at malapit na rin kaming makarating sa amin.
“OMG!” mahinang bulong ko. Bahagya akong napahinto sa paghakbang nang masilayan ko ang isang pamilyar na motorsiklo na nakaparada sa harapan ng aming bakuran.
Hindi na ako mapakali. Tila may nagsisirkong mga bulate sa loob ng aking tiyan! Ilang beses ang ginawa kong paglunok kahit na tuyot naman ang aking lalamunan. Ang puso ko... hindi na magkandahupa sa paglundag. Ang taong kanina ko pa gustong makita, nasa amin pala!
“Hoy! Ano na? Napahinto ka na riyan?” puna sa akin ni Lhian na nakapagpabalik sa akin sa katinuan.
“O–oo, oo. A–ano nga ba ulit iyon?” utal-utal na sagot ko.
Inismiran ako nito sabay arko ng isang kilay.
“Bahay mo kaya ito kaya ikaw ang maunang pumasok!”
“O-oo nga... sabi ko nga. Ito na, oh! Papasok na po!” Sabay irap ko sa kaniya. Iiling-iling na naman itong sumunod sa akin. Nagsunuran na rin pumasok ang iba pa naming mga kasama.
“Oh! Nandito na pala ang prinsesa namin, eh!” masayang salubong sa akin ng Kuya Lemy ko. Napansin ko na marami na ang mga bisita sa loob, pero hindi ko nakita kung sino-sino ang mga iyon dahil nahaharangan sila ni kuya.
Napayuko ako sabay kamot ng ulo. Hindi ko maiwasang sumimangot. “Kuya naman, eh! Parang tanga lang? Nakikita mo naman ang hitsura ko, tapos sasabihan mo akong prinsesa? Baliw ka ba?” himutok ko.
Nilapitan ako ni kuya. Ni hindi niya man lang pinansin iyong sinabi ko. Mukha ngang tuwang-tuwa pa ito sa ginawa kong pabalang na pagsagot sa kaniya, eh.
Nalipat ang tingin niya sa hawak kong tropeo. Kinuha niya ito mula sa akin at may pagmamalaking iniharap paangat sa mga bisitang nakatunghay sa amin.
“Tignan niyo, mga ‘tol! May umuwi na namang MVP sa pamilya!” tuwang-tuwang balita ni kuya sa mga ka-tropa niya.
“Hi, Cinderella!” mula sa pamilyar na boses ng taong tumawag sa akin.
Dahan-dahan ang ginawa kong pagtingin sa kaniya. Naestatwa ako dahil sa hindi inaasahang makikita. Para bang may kung anong bumara ngayon sa dibdib ko na siyang pansamantalang ikinatigil ng aking paghinga. Tila ba nag-slow motion ang lahat ng nasa paligid ko.
"Miguel?” mahinang usal ko.