Mahimbing na natutulog si Scy sa gilid ng isang tahimik na ilog. Sa paligid ay makikita ang mga matataas na punong kahoy na umaaliw sa kanilang mga sanga habang ang malamig, maaliwalas na hangin ay humahaplos sa balat – parang naroroon ka mismo sa isang lugar na kasing payapa ng paraiso.
Ngunit ang kanyang pagtulog ay biglang naistorbo nang marinig niya ang boses ng kanyang kaibigang si Miguel.
“Scyyy… Gusto mo bang maging adventurer?” sambit nito, may kislap ng pag-asa sa mga mata.
Nagising si Scy at inayos ang sarili. “Adventurer? Kikita ba tayo ng malaking pera diyan?”
“Oo naman!” masiglang sagot ni Miguel. “Bukas na bukas, maaga kang gumising – sabay tayong pupunta sa bayan ng Aethel! Tara na, umuwi na tayo para makapaghanda tayo ng maaga. Dumidilim na rin, eh.”
Kinabukasan ng umaga, saktong alas-siyete pa lang ng umaga nang magkita sina Scy at Miguel sa labas ng bahay ni Scy, punong-puno ng sigla at handang pumunta sa Aethel. Nakahanda na ang lahat ng kanilang gamit, at hawak na ni Scy ang kanyang maliit na kahon na pinaniniwalaang kumpleto na ang mga dokumento.
“Handa ka na ba, Scy? Bilis na!” sigaw ni Miguel mula sa kanyang tabi.
“Oo naman, tara na!” sagot ni Scy habang inilalagay ang kahon sa kanyang balikat.
Ngunit biglang tumigil si Miguel at napakamot sa ulo. “Ay, Scy! Nakalimutan ko sabihin sa’yo kagabi – kailangan pala ng Training Certification at limampung copper coins para makakuha ng license! Hindi tayo makakapasok sa Aethel kung wala ’yon.”
Napatigil si Scy sa paglalakad, ang mukha ay puno ng pagkabigla at kaunting kalungkutan. “Hindi ba pwedeng ibigay na lang ’yon mamaya? Nakahanda na tayo eh.”
“Sa tingin ko hindi, Scy,” sagot ni Miguel nang may halong kalungkutan sakanyang mukha. “Naririnig ko kasi na mahigpit ang patakaran ng Adventurer’s Guild sa Aethel walang certification, walang license.
Huminga nang malalim si Scy, saka tumingin kay Miguel. “Ano na ngayon ang gagawin natin?”
“Alam ko naman kung saan tayo makakakuha ng training certification,” sabi ni Miguel, bahagyang ngumiti. “Pumunta tayo sa bayan ng Valenford – may kilala akong instructor doon na tumuturo sa mga gustong maging adventurer. Maaari tayong mag-enroll doon at makapag-aral hanggang sa makakuha tayo ng certification.”
Tumango si Scy, ngumiti rin. “Sige puntahan natin. Basta makapag-training tayo at makakuha ng certification, para makapag handa pa tayo at lumakas pagdating ng araw na makarating tayo sa Aethel.”
Agad silang naglakbay patungo sa bayan ng Valenford, na kalahating araw na layo mula sa kanilang baryo. Pagdating nila doon, agad silang naghanap ng tinutukoy na instructor ni Miguel – isang dating adventurer na nagngangalang Master Elias, na nagtatag ng isang maliit na paaralan para sa mga bagong gustong pumasok sa mundo ng pagiging adventurer.
“Bakit nga ba gusto ninyong maging adventurer?” tanong ni Master Elias sa kanilang unang araw ng pagpasok.
“Gusto naming mapabuti ang buhay namin at makapaglakbay sa iba’t ibang lugar,” sagot ni Scy nang may determinasyon.
“Gusto kong maranasan ang mga kwentong naririnig ko tungkol sa mga dungeon at mga halimaw,” dagdag naman ni Miguel.
Ngumiti si Master Elias. “Mabuti naman na may malinaw kayong layunin. Ngunit tandaan ninyo – ang pagiging adventurer ay hindi basta-basta laro. Kakailanganin ninyo ng lakas, tibay, at katalinuhan para makaligtas.”
Mula noon, nagsimula na ang kanilang mahirap ngunit kasiya-siyang pagtraining. Araw-araw silang gumigising ng maaga para sa pisikal na ehersisyo – pagtakbo, pag-akyat ng bundok, pagpapalakas ng katawan, at pag-aaral ng mga tamang paraan ng pagtatanggol sa sarili. Sa hapon naman ay nag-aaral sila ng mga kaalaman tungkol sa iba’t ibang uri ng halimaw, mga gamit at sandata ng adventurer, mga pangunahing kasanayan sa paggamot ng mga sugat, at mga patakaran ng mga guild.
Lumipas ang mga araw, linggo, at sa huli ay umabot ng anim na buwan ang kanilang pagsasanay. Sa mga panahong iyon, maraming beses silang napagod ng paulit ulit, at minsan pa ay napaiyak dahil sa hirap ng pagsasanay. Pero hindi sila sumuko – alam nilang kailangan nila itong gawin para maabot ang kanilang pangarap.
Sa huling araw ng kanilang pagsasanay, binigyan sila ni Master Elias ng pagsubok para patunayan na handa na silang makakuha ng Training Certification. Pinakita nila ang lahat ng kanilang natutunan – mula sa paggamit ng sandata hanggang sa pagkilala ng mga kahinaan ng mga halimaw. Matapos ang mahabang pagsubok, ngumiti si Master Elias at inabot sa kanila ang kanilang mga sertipiko.
“Mabuti kayong mga bata,” sambit ni Master Elias. “Handa na kayong harapin ang mundo ng mga adventurer. Ingat kayo palagi at tandaan ninyo ang lahat ng mga aral na natutunan ninyo dito.”
“Maraming salamat po, Master Elias!” sabay nilang sagot habang mahigpit na hawak ang kanilang mga sertipiko.
Pagkatapos makatanggap ng kanilang Training Certification, nagpasya silang bumalik agad sa kanilang baryo. Dinala nila ang kanilang mga gamit at ang mahalagang sertipiko, at naglakbay sila ng kalahating araw pabalik. Sa daan, hindi nila mapigilan ang magkwento tungkol sa kanilang mga karanasan sa Valenford at kung gaano sila kasaya na natapos na ang kanilang pagsasanay.
Pagdating nila sa kanilang baryo, sinalubong sila ng mainit na yakap ng kanilang mga pamilya. Ipinakita nila ang kanilang mga sertipiko at ikinuwento ang kanilang mga karanasan sa pagsasanay. Pagkatapos ng isang masayang pagkain, nagpasya silang magpahinga muna para makapaghanda ng maigi para sa kanilang paglalakbay patungo sa bayan ng Aethel sa susunod na araw.
Bumangon si Scy nang maaga, ang mukha ay puno ng kagalakan habang tinitignan ang sikat ng araw.
“Kay gandang umaga naman!” sambit niya sa sarili, habang inayos ang kanyang isusuot. “Makabalik nga sa aming pinagtatambayan sa tabi ng ilog at mamingwit ako ng mga isda. Pagdating ni Miguel pwede na kaming mag-inuman kahit konti bago kami maghanda para sa paglalakbay bukas papuntang Aethel.”
Ngunit biglang tumigil siya at napahawak sa ulo. “Ay, hindi pa pala ako bumibili ng alak.”
Agad siyang nagayos ng sarili at kumuha ng kaunting pera mula sa kanyang kahon. Pagkalabas ng bahay, diretso siya sa maliit na tindahan sa gitna ng kanilang baryo na nagbebenta ng mga alak at iba pang pangangailangan.
“Mang Berto, pabili naman po ng isang bote ng alak!” sigaw ni Scy habang papalapit sa tindahan.
“Ah, Scy! Mukhang masaya ka nanaman ngayon,” sagot ni Mang Berto habang kukuha ng hiling na alak. “Para saan ba ’yan?”
“Bukas na po kami pupunta sa Aethel para kumuha ng Adventurer’s License kasama si Miguel. Bago po kami umalis, gusto ko sana samahan ng kaunting inuman mamaya sa tabi ng ilog,” paliwanag ni Scy habang binabayaran ang alak.
“Mabuti naman, anak. Ingat kayo palagi ha?” paalala ni Mang Berto habang ibinibigay sa kanya ang alak.
“Opo, Mang Berto! Maraming salamat po!” sagot ni Scy bago nagmamadaling umalis.
Pagkatapos bumili, diretso na siya patungo sa kanilang pinagtatambayan sa tabi ng ilog – ang parehong lugar kung saan sila nag-usap tungkol sa pagiging adventurer ilang buwan na ang nakalipas. Inilatag niya ang kanyang dalang alak sa damuhan at kumuha ng kanyang lumang pamingwit para mangisda.
“Dito ko nalang hintayin si Miguel,” bulong niya sa sarili habang hinahagisnnya ang pamingwit. “Baka marami pa siyang kailangang ayusin sa bahay nila bago dumating.”
Habang hinihintay niya ang kaibigan, tumingin siya sa malawak na ilog at sa mga punong nakapalibot dito. Alam niyang mamayang gabi pa makakarating Miguel para batiin ang kanilang tagumpay sa pagsasanay – at bukas na, magsisimula na talaga ang kanilang paglalakbay bilang mga adventurer.
“Scy! Nandito na ako!”
Makalipas ang ilang oras, narinig na ni Scy ang boses ni Miguel na papalapit. Lumingon siya at nakita ang kaibigan na may dala dalang maliit na pakete ng pagkain adobo at kanin na inihanda ng nanay ni Miguel.
“Scy, Nag dala ako ng pagkain para hindi tayo mauhaw sa alak!” sabi ni Miguel habang inilalagay ang mga pagkain sa damuhan. “At syempre, dala ko na rin ang mga training certification natin baka makalimutan pa nating dalhin bukas!”
Nang makalapit si Miguel, napansin niya agad ang mga isdang nakuha ni Scy. “Wow, ang dami mong nahuli! Mukhang handa na tayong mag-inuman ngayong gabi!”
“Oo naman!” sagot ni Scy habang binubuksan ang lata ng alak at kumuha ng dalawang baso. “Inihanda ko na ito para sa atin para batiin natin ang ating tagumpay sa pagsasanay, at para mapaghandaan natin ang paglalakbay bukas papuntang Aethel.”
Inabot ni Scy ang isang baso kay Miguel, at sabay silang nagbanggaan ng baso.
“Mabuhay tayo!” sabay nilang sambit bago uminom.
Habang kumakain at umiinuman sila, nagsimulang magkwento ulit sila ng kanilang mga karanasan sa Valenford – mula sa mga mahihirap na araw ng pagsasanay hanggang sa mga tawanan at bonding nila kasama ang ibang mga estudyante doon.
“Alam mo ba, Scy,” sabi ni Miguel habang hawak ang kanyang baso, “nung una akong pumunta doon, akala ko madali lang ang pagsasanay. Pero nung naramdaman ko na talaga ang hirap, napaisip ako kung kaya ko bang tapusin ito. Pero nung nakita kitang hindi sumusuko, sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong sumunod sa iyo.”
Napangiti si Scy. “Ikaw din naman, eh. Nung ako’y napapagod na at gusto nang sumuko, ikaw ang laging nandiyan para sabihin na kaya natin ito. Kung hindi dahil sa’yo, baka hindi ko rin natapos ang pagsasanay.”
Tumingin sila pareho sa ilog, na tahimik na lamang na umaagos sa gilid nila. Ang buwan ay lumabas na rin sa kalangitan, na nagbibigay liwanag sa kanilang pinagtatambayan.
“Bukas na talaga tayo pupunta sa Aethel,” bulong ni Miguel. “Hindi ako makapaniwala na makakapunta na tayo doon at makakakuha na tayo ng ating license bilang adventurer.”
“Oo naman,” sagot ni Scy. “At alam ko na kahit anong pagsubok pa ang harapin natin doon, kayang nating lampasan ito basta’t magkasama tayo.”
Sabay silang tumahimik, nagpapahalaga sa sandaling iyon. Alam nilang bukas na ay magsisimula na ang isang bagong yugto ng kanilang buhay – at handa na silang harapin ito nang magkasama.
Sa bayan ng Aethel, sa gitna ng mainit na sikat ng araw, dumating si Scy Toka sa maingay na palengke na nasa daanan patungo sa matayog na gusali ng Adventurer's Guild. Maraming mga nagbebenta ng prutas at iba pang bilihin, at napakaraming tao na halos mapigil siya sa paglakad sa kadaming tao sa daan.
Habang siya'y nagdadaan, napansin niya ang grupo ng mga maharlikang tila mayayabang na nakapalibot sa isang pamilyang nagbebenta ng saging. Dinidinig niya ang mga masasakit na salita mula sa mga maharlika – sinasabihan nila ang pamilya ng "mababang uri" at pinipilit silang umalis sa pwesto dahil raw "hindi karapat-dapat" silang makisiksik sa lugar na madalas puntahan ng mga mayayaman. Ang mga biktima naman ay nananatiling tahimik at natatakot, hindi makapagsalita para ipagtatanggol ang kanilang sarili.
Habang nakatitig si Scy sa eksenang iyon at nararamdamang nababagabag, narinig niya ang isang hiningal na boses sa likod. "Scy! Pasensya na, huli na ako!"
Lumingon siya at nakita si Miguel na pawis-pawis at hinihingal. Pareho silang 18 anyos, at ang kanilang mga damit – simpleng kamiseta, maong, at lumang sapatos – ay maliwanag na naiiba sa mamahaling damit ng mga maharlika. Agad namang napansin ng grupo ng mga mayayabang na maharlika ang dalawa, at ang kanilang mga tingin ay nagbago sa isang mapanghusgang ekspresyon, tila tinitingnan sila bilang mga taong hindi karapat-dapat na makasama sa kanilang kapaligiran.
Nilapitan kaagad ng mga maharlika sina Scy at Miguel, isang binatang may mamahaling pilak na detalye sa kanyang damit at tumayo nang matayog sa harap nila.
"Hoy! Mga alipin , hindi kayo karapat-dapat na nandito isa lang kayong mangbubukid, Baka balak nyo pang kumuha ng license nyo para sa adventurer guild Haha wag na kayo mag balak na kumuha!" sigaw ng hambog na maharlika, ang kanyang mga mata ay puno ng pagmamataas.
Tumahimik lang si Scy at patuloy na hawak ang kahon ng mga dokumento, habang si Miguel naman ay bahagyang ngumuso patagilid habang nag pipito ngunit hindi rin sumagot.
"Ah ayaw nyong mag salita ano? Pepe ba kayong dalawa? Oh baka naka-ihi na kayo sa inyong tinatayoan!" dagdag pa ng maharlika, na ikinatawa ng kanyang mga kasama. Ang tawanan ay malakas at puno ng paghamak, bumabalot sa buong lugar at nakikita ng ilang mga mamimili na napatingin sa kanilang direksyon.
Matapos itong sabihin, tumalikod na ang hambog na maharlika at sinigaw sa kanyang mga kaibigan, "Tara na alis na tayo! Baka mahawaan pa tayo ng mga kadiri nilang mga balat. Hindi naman natin kailangang makipag-usap sa mga ganitong uri ng tao!"
Kusang umalis ang grupo ng mga maharlika, iniwan sina Scy at Miguel na tahimik pa rin habang nakatayo sa daan. Ang ingay ng palengke ay muli nang tumama sa kanilang mga tainga habang patuloy silang naglalakad patungo sa Adventurer's Guild.
Habang patuloy silang naglalakad papuntang Guild, may nakasalubong silang isang magandang babae na nakasuot ng simpleng ngunit maayos na damit pang-adventurer – si Lara, isang kilalang batang mandirigma na nagpraktis na sa mga paligsahan sa bayan.
"Hello “ Pupunta ka din ba kukuha ng license sa Adventurer's Guild?" bati ni Scy ng may ngiti, umaasa na makakasama nila ito.
Ngunit hindi man lang siya binigyang-pansin ni Lara. Tumingin ito sa kanila ng mabilis, ang kanyang mga mata ay nagpakita ng pagkakahamak na katulad ng mga maharlikang nakasalubong nila kanina. Tinalikuran niya kaagad sina Scy at Miguel at nagsalita nang hindi lilingon: "Hindi ako makikipagsabayan sa mga taong mukhang mahina lang at walang lakas para makipaglaban sa mga halimaw. Baka hindi pa kayo nakakababa ng dungeon napahamak na kayo. Magdagdag muna kayo ng lakas at karanasan bago subukan yang pagkuha ng license!"
Pagkatapos niyon, mabilis na naglakad palayo si Lara patungo sa gusali ng Adventurer's Guild, iniwan sina Scy at Miguel na nanatiling tahimik sa daan. Si Miguel naman ay napailing na lang at sinabi, "Hindi naman tayo ganun kahina" Tumango lang si Scy, ngunit makikita sa kanyang mga mata ang determinasyong patunayan ang kanyang sarili na kaya nga ito.
Ilang minuto ang nakalipas habang patuloy silang naglalakad, napansin nila ang isang maliit ngunit maayos na pagawaan ng mga spada sa tabi ng daan. Maraming uri ng sandata ang inilalagay sa display – mula sa mga simpleng kutsilyo hanggang sa mga malalaking espada na may kumikinang na talim.
Napatingin agad si Miguel sa isang partikular na spada na nakasabit sa dingding. Ito ay may makinis na bakal na talim na may kaunting disenyo ng mga bulaklak sa hawakan, at tila perpekto ang sukat nito para sa kanya. Ngunit nang tingnan niya ang presyo na nakasulat sa maliit na piraso ng papel na nakakabit dito, napahawak siya sa kanyang sintido at napasabi, "Subrang mahal naman ito! Baka kailangan kong magtabi ng pera ng maraming buwan para makabili nito..."
Tumingin naman si Scy sa spada at sa presyo, pagkatapos ay napahawak nalang sa balikat ni Miguel. "Baka pwede naman nating hingin ang tulong ng guild pagkatapos nating makakuha ng license? O baka may mga gawain tayong makukuha na makakapagbigay sa atin ng sapat na pera para mabili mo iyan. Basta magtiwala ka lang, at siguradong makakabili ka niyan balang araw."
